SCS Math

Ang Paghahanap kay Sri Krishna

Ang Katotohanan Ang Maganda

ni Srila Bhakti Rakshak Sridhar Maharaj

O kayong mga anak ng nektar, anak ng mala-nektar na karagatan: makinig kayo sa akin. Kayo'y ipinanganak sa nektar; at ipinanganak para tikman ang nektar, kaya huwag kayong maghanap ng iba pang kasiyahan maliban sa nektar.

Gumising kayo! Bumangon kayo!
At hanapin ang nektar na ito,
Ang Paghahanap kay Sri Krishna —
Ang Katotohanan Ang Maganda.

Konseptong Krishna

(Kabanata 9)

Ang pagsuko o pagpapasakop ay hindi ginagawa sa salita. Ang pagsuko ay hindi lamang pagsuko nang mga ari-arian, kundi ang maunawaan din nating ito'y hindi natin pala pag-aari. Wala akong pinanghahawakang bagay. Hindi rin ako nagmamay-ari ng aking sarili. Ang ibig sabihin ng pagsuko ay ang pag-aalay ng lahat ng bagay sa guru, at ang paglayo ng ating mga sarili sa idudulot na masamang kuneksyon nito dahil sa pag-aari ng maraming bagay, upang nang sa ganoo'y hindi nito tayo istorbohin pa dahil sinasabi nitong, "Ikaw ang amo ko," at pagkatapos ay mailigaw tayo.

Ganito ang dapat nating isipin, "Ang lahat ng bagay ay pawang pag-aari ng Panginoon at nang Kanyang sugo, ang guru. Wala akong pag-aari." Ito ang dapat nating tatandaan, dahil ito'y higit na makakatulong sa ating espirituwal na pagsulong. Dahil ito ang katotohanan. At ang katotohanang ito'y dapat nating nauunawaan.

Ang ibig lamang natin ay pawang katotohanan, at ibig din nating lumaya sa mga maling paniniwala. Kaya, ibinabahagi nang tamang diksha, ng espirituwal na pasimula, ang sagradong karunungan na nagsasabing tayo'y walang pag-aari; at hindi lamang iyon, kundi, ang lahat ng bagay ay pawang pag-aari ng Diyos, maging ang ating mga sarili. Ito ang konsepto ng diksha: "Ako'y Kanyang pag-aari; ang lahat ay pawang pag-aari Niya. At ako'y Kanyang alipin, at ang mga bagay na ito'y gamit para sa paglilingkod sa Kanya."

Paraiso ng mga Baliw

Ito ang reyalidad, at tayo ay naghihirap sa ilalim ng di-makatotohanang daigdig. Tayo ay naninirahan sa paraiso ng mga baliw. Iwan natin ang paraisong ito ng mga baliw at pumasok tayo sa tunay na paraiso.

Kahit maliit lamang ang ating paniniwala sa katotohanan, kapag nasilip natin ang katangian ng di-mapapasubaliang kapaligiran ng kalubusan, kailanma'y hindi na natin muling nanamnamin pa ang anumang bagay sa mundong ito. At dahil natikman na natin ang tunay na lasa ng masmataas na katotohanan, tayo'y hindi na maaakit pa sa materyal na mundong ito. Tayo'y mawawalan na nang sigla sa paggawa ng ating mga tungkulin dito sa kinalulugudang mundong ito. Ito'y magiging balewala na din sa atin.

Batid nating nakapagdudulot lamang ng masakit na reaksyon ang mga natitikman nating kasiyahan sa ngayon. Alam natin ito, subalit ito'y hindi parin natin kayang iwan. Sa mga ginagawa nating saddhana, sa mga gawaing espirituwal natin, hindi parin natin ganap na napuputol ang kuneksyon natin dito. Magkaganunman, ay wala din namang ibang paraan.

Kaya kailangang dagdagan pa natin ang ating pakikipag-ugnayan sa positibong katotohanan, upang nang sa ganoo'y unti-unti din namang nawawala ang ating pagnanasang magkaroon nang mga ari-arian at gayun din sa ating mga pananagutan sa buhay. Kahit paulit-ulit pa tayong nabibigo, magkaganunman, huwag tayong tumigil. Paulit-ulit parin tayong magtatangka para marating ang katotohanan, at kapag tayo'y nabigo, ang mga puso nati'y masasaktan dahil naiisip nating paulit-ulit tayong nagagapi ng mga nakapaligid na kaaway.

Mga Kabuteng Kaisipan

Subalit naroroon parin ang apoy ng kamalayan kay Krishna, at ang apoy na ito'y hindi napapawi. Dahil ito'y kislap ng eternal na katotohanan. Kaya, ang apoy na ito'y mananatiling naglalagablab, at darating din ang araw ang mga nakapaligid na kaaway ay mapapagod din sa bandang huli.

Isang araw makikita nating nabihag na pala ni Krishna ang buong puso natin, at ang iba'y habang buhay nang nagpaalam; wala na sila para guluhin ang ating isipan. Makikita nating sila'y parang mga kabute; mula sa mental na lupain, at sila'y wala nang lahat at nangamatay na. Wala na silang lahat, at tanging si Krishna na lamang ang natitira sa ating puso. At sa oras na iyon, ang puso natin ay punung-puno ng Krishna, punung-puno ng paniniwala kay Krishna.

Minsan ay sinabihan ni Srila Bhakti Siddhanta Saraswati Thakur ang isang disipulo nito noong panahon ng kanyang pasimula pa lamang sa Hare Krishna mantra, ang sabi niya ay hayaan nating makadapo si Krishna sa ating mga puso katulad nang ginagawa ng mga sundalo nang ito'y inihatid nang navy sa dalampasigan. Ang mga sundalo ay isinasakay sa mga barko ng navy, at kapag sila ay naihatid na sa lupain, may mga sagupaan kaagad, at pagkatapos nito ay sinasakop na nila ang bansang iyon, katulad nang sinabi ni Julius Caesar, "Veni, vidi, vici — Pinuntahan ko, nakita ko, kaya sinakop ko." Kaya, hayaan nating lumanding si Krishna sa ating mga puso. Para maglaban-laban na.

Ano ba ang sinasabi ng kamalayan kay Krishna, at ano naman ba ang sinasabi nang ibang konsepto? Magmula pa nang unang panahon ay ibinigay na nila ang kanilang mga pangako, ganito ang sabi nila, "Ibibigyan ko sayo 'to, ibibigay ko sa'yo yan," subalit sa pagpasok naman ng kamalayan kay Krishna ganito ang kanyang sasabihin, "Ito naman ang masasabi ko sa inyo: ang lahat ng ito'y pawang Akin lamang, at nanghihimasok lamang kayo." Hanggang sa magkaroon ng labanan; at tiyak na aatras ang mga walang halaga, at ang puso natin ay sasakupin nang kamalayan kay Krishna.

Ganito ang mangyayari. Tanging ang kamalayan lamang kay Krishna ang dapat na bumaba sa ating puso. Sa papaano't paanuman, magmula sa isang dalisay na deboto, kailangang pumasok sa ating mga puso ang kahit kaunting tunay na kamalayan kay Krishna patungo sa ating mga tainga, patungo sa ating puso at kung ano man ang iba pang kailangan ay bahala na si Krishna. Ang sinumang tao na kahit may konting pagtingin sa kamalayan kay Krishna ay nakatitiyak nang tagumpay sa espirituwal na buhay, ngayon o sa darating na bukas.

Si Krishna ay isang Magnanakaw

Maglagay man tayo ng matataas na pader sa lahat ng sulok para hindi makapasok ang kamalayan kay Krishna sa atin, pero dapat nating tandaan si Krishna ay isang magnanakaw, at ang magnanakaw ay hindi iniimbita para pumasok sa bahay. Hindi rin ito pinaghahandaan ng pagkain sa kanyang pagdating. Ito'y manloloob ayon sa Kanyang kagustuhan, at ito ang ating kasiyahan. Pasalamat tayo dahil si Krishna ay isang magnanakaw, Si maya ay nagtayo nang matataas na pader sa paligid nito, pero hindi rin ito naging sapat para pigilan ang kamalayan kay Krishna. Si Krishna ay isang magnanakaw, at minsan ay sikreto itong papasok sa atin.

Minsan ay nawawalan nang pag-asa ang isang deboto, at ganito ang nasa kanyang isipan, "nasa loob ng tahanan ko ang mga kalaban ko; mismong mga kamag-anak ko ang kalaban ko. Nawawalan ako ng pag-asa." Minsan ay maaari din tayong masiraan ng kalooban, subalit kailanman ay hindi tayo iiwan ng kamalayan kay Krishna. Si Krishna ay maninindigan parin, at sa takdang panahon, ito'y Kanyang masasakop pa din. At ang iba pang bagay, kahit na ito'y nakatago at protektado pa nang ating mga puso, ay kailangang umalis din. Kailangang lumayas sila sa lahat ng sulok ng ating mga puso. Dahil ito'y sasakupin na ni Krishna. Ito'y buong-buong sasakupin na ni Krishna.

Ang mga di-mahalaga at mga kasakimang nararamdaman ng ating mga puso ay mga panlabas bagay. Sila'y pawang mga kabute lamang. Parang mga kabute, na lumalabas; walang matitibay na ugat. Hindi nakabaun sa lupa. Maaaring akalain natin na napakahalaga at kapaki-pakinabang ang lahat ng bagay na itinatago natin sa ating puso, at ito'y bahagi na ng ating buhay, pero kapag ang kamalayan kay Krishna ay pumasok sa atin, ang lahat ng ito'y lulutang katulad ng mga kabute.

Sa bagay, lahat sila'y mga kabute talaga; walang matibay na paninindigan, walang lalim sa kinakapitang lupa. Hanggang ibabaw lamang. Ang lahat ng materyal nating pagnanasa ay pawang nakalutang lamang sa ibabaw. Hindi ito nakabaun sa loob at labas ng ating buhay. Tanging ang kamalayan lamang kay Krishna ang siyang maybuhay, saanmang dako, maging sa loob ng ating buhay. Kaya, isang araw maglalaho din ang mga kabuteng ito. Dahil ito ang sinasabi nang Srimad Bhagavatam (2.8.5):

pravistah karma-randhrena / svanam bhava-saroruham
dhunoti samalam krsnah / salilasya yatha sarat

Kapag pumasok si Krishna sa ating puso sa pamamagitan ng ating tainga, Binibihag Nito ang lotus ng ating puso at unti-unti Nitong nililinis ang dumi sa ating puso. Katulad ng pagdating nang panahon ng taglagas, ang lahat ng tubig saanmang dako ay nagiging dalisay, kaya katulad din nito, kapag pinasok ni Krishna ang ating mga puso, ang lahat ng mga dumi sa ating kalooban ay unti-unting naglalaho, at tanging si Krishna lamang ang habambuhay na naroroon.

Isinalin sa Tagalog ni Rupa Vilas Das, Isvarini Devi Dasi at Rohini Devi Dasi.

Pahina | Misyon | Gurus | Mga aklat | Mga larawan | Deboto | Kontak

http://philippines.scsmath.org/books/search.html
Sri Chaitanya Saraswat Math — Sangay ng Pilipinas